Pumunta sa nilalaman

Lansangang-bayang N170

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang Pambansang Ruta Blg. 170 (N170) o Rutang 170 ay isang pambansang daang sekundarya ng sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas. Dumadaan ito sa hilagang bahagi ng Kalakhang Maynila, sa mga lungsod ng Lungsod Quezon, Maynila, at Pasay.[1]

Paglalarawan ng ruta

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Malaking bahagi ng ruta sa hilaga ay sinusundan ang pagkakalinya ng Daang Radyal Blg. 7 (R-7) ng sistema ng mga lansangang arteryal ng Kalakhang Maynila.

Alinsunod sa pagtatakda ng Kagawaran ng mga Pagawain at Lansangang Bayan (DPWH), binubuo ang N170 ng mga sumusunod na bahagi, mula hilaga papuntang timog:[2][3][4][5]

N170 bilang Abenida Commonwealth, kasama ang itinatayong MRT-7

Sa Lungsod Quezon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagsisimula ang N170 sa sangandaan nito sa N127 sa pook ng Novaliches, Lungsod Quezon bilang Abenida Commonwealth. Ito ay isang pangunahing lansangan na may anim hanggang labingwalong mga landas, kung kaya ito ay ang pinakamalawak na lansangang bayan sa Pilipinas. Ngunit dahil sa mataas na pagkalaganap ng mga sakuna sa nabanggit na lansangan (lalo na yaong mga may kaugnayan sa overspeeding), nakuha nito ang kalait-lait na palayaw na "Killer Highway." Upang mabawasan ang mataas na bilang ng mga sakuna, ipinatutupad sa abenida ang 60 km/h (37 mph) na takdang tulin. Simula noong 2016, itinatayo ang Ikapitong Linya ng MRT (MRT-7) sa kahabaan ng Abenida Commonwealth pati sa kahabaan ng Lansangang Regalado. Ang nasabing sistema ng naka-angat na riles, na mag-uugnay sa Sistema ng Metro Rail Transit ng Maynila (MRT) at Panlahat na Estasyong North Avenue,[6] ay inaasahang magpapaluwag sa daloy ng trapiko sa kahabaan abenida. Dahil sa isang kamakailang antala hinggil sa magiging lokasyon ng silungan ng sistema sa San Jose del Monte, Bulacan (nailipat na ang lokasyon sa Barangay Lagro, Lungsod Quezon), matatapos ang pagtatayo at sisimulan ang operasyon ng sistema sa taong 2021, bagamat bahagya.[7][8]

N170 bilang Daang Elliptical, kasama ang QMC

Nagtatapos ang Abenida Commonwealth sa Diliman, at susundan ng N170 ang ruta ng Daang Elliptical, isang rotonda na may walong mga landas at lumilibot sa Quezon Memorial Circle (QMC). Ang pag-ikot ng mga sasakyan sa rotonda ay sa direksiyong pa-counterclockwise (o salungat sa direksiyon ng mga kamay ng orasan). Pinangalanan ito sa patambilog na hugis (elliptical shape) nito.

N170 bilang Abenida Quezon

Pag-alis ng Daang Elliptical, susundan ng N170 ang ruta sa Abenida Manuel L. Quezon, isang pangunahing lansangan ng Lungsod Quezon na ipinangalan mula kay Manuel Luis Quezon, ang ikalawang pangulo ng Pilipinas. May anim (6) hanggang labing-apat (14) na landas ang lansangang ito, na nagsisimula sa Daang Elliptical/Quezon Memorial Circle at nagtatapos ito sa Rotondang Mabuhay sa hangganan ng Lungsod Quezon at Maynila. Isa ito sa mga pinakamaginhawang lansangan sa lungsod, na nililinyahan ng mga punong palma sa panggitnang harangan (center island) nito. Nakalinya rito ang maraming mga gusaling pampamahalaan at pangkomersiyo.

Sa hilagang Maynila

[baguhin | baguhin ang wikitext]
N170 bilang Bulebar Espanya

Paglampas ng Rotondang Mabuhay, papasok ang N170 sa lungsod ng Maynila, ang kabisera ng bansa, bilang Bulebar Espanya. Isa itong pangunahing lansnagan sa distrito ng Sampaloc, Maynila, na pinangalanan sa Espanya, na namuno sa Kapuluan ng Pilipinas sa loob ng 333 taon, mula 1565 hanggang 1898. Isa itong daang arteryal na may walong landas, apat sa bawa't gilid, na nagsisimula sa Rotondang Mabuhay karugtong ng Abenida Quezon at nagtatapos sa sangandaan ng mga Kalyeng Nicanor B. Reyes (dating Morayta) at Lerma. Ang Kalye Nicanor B. Reyes ay papuntang Abenida Recto, habang papunta naman sa Bulebar Quezon ang Kalye Lerma.

N170 bilang Bulebar Quezon

Susunod ang N170 sa kahabaan ng Kalye Lerma, ang daang nag-uugnay ng Bulebar Espanya at Bulebar Quezon. Pag-alis ng Kalye Lerma, kilala ang N170 bilang Bulebar Quezon, isang lansangang hinahatian ng panggitnang harangan na bumabagtas mula hilaga-patimog sa distrito ng Quiapo. Mayroon itong anim hanggang sampung mga landas. Mahalagang lansangan ito na nag-uugnay ng pusod ng Maynila sa North Luzon Expressway sa hilagang Kamaynilaan (sa pamamagitan ng Kalye Alfonso Mendoza at Kalye Dimasalang). Ini-uugnay rin nito ang matandang kabayanan ng Maynila sa Quezon Memorial Circle at Hugnayan ng Batasang Pambansa sa Lungsod Quezon sa pamamagitan ng isang tunel patungong Bulebar Espanya, Abenida Quezon, at Abenida Commonwealth. Matatagpuan din ito sa lugar na kung tawagi'y University Belt.

Sa katimugang Maynila at Pasay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Tatawid ang N170 sa ibabaw ng Ilog Pasig sa pamamagitan ng Tulay ng Quezon, at tatapos ang bahaging ito ng N170 sa sangandaan nito sa Kalye A. Villegas (dating Arroceros) sa Ermita. Tutuloy ang ruta ng N170 sa bahaging Tulay ng Quezon—Abenida Taft ng Abenida Padre Burgos. Ito ang bahagi ng nasabing abenida sa harap ng Tanghalang Pangkalakhan ng Maynila, Hardin ng Mehan, at Gusaling Panlungsod ng Maynila. Ang natitirang bahagi ng Abenida Padre Burgos, mula Abenida Taft hanggang Bulebar Roxas, ay itinakdang bahagi ng N150.

N170 bilang Abenida Taft

Dadaan ang N170 sa Daang pang-ilalim ng Lagusnilad (o Tunel ng Lagusnilad), at kilala ang natitirang bahagi ng N170 mula Ermita, Maynila hanggang Pasay bilang Abenida Taft, isang pangunahing lansangan na ipinangalan mula sa dating gobernador-heneral ng Pilipinas at pangulo ng Estados Unidos na si William Howard Taft. Dumadaan sa ibabaw nito ang naka-angat na Unang Linya ng LRT-1. Bagamat dumadaan ito sa tatlong mga lungsod—Maynila, Pasay, at Parañaque—hanggang Pasay lamang (sa sangandaan nito sa EDSA) ang ruta ng N170. Ang maikling bahagi ng Abenida Taft mula EDSA hanggang Abenida Harrison - ang bahaging kung tawagi'y Karugtong ng Abenida Taft at nagbibigay ng daan papuntang Baclaran, Parañaque - ay nananatili isang pambansang daang tersiyaryo na walang nakatakdang bilang.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "NCR". Department of Public Works and Highways. Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-10-03. Nakuha noong 17 Hunyo 2019.
  2. "North Manila". Department of Public Works and Highways. Nakuha noong 17 Hunyo 2019.[patay na link]
  3. "Quezon City 1st". Department of Public Works and Highways. Inarkibo mula sa orihinal noong 2018-10-03. Nakuha noong 17 Hunyo 2019.
  4. "Quezon City 2nd". Department of Public Works and Highways. Nakuha noong 17 Hunyo 2019.[patay na link]
  5. "South Manila". Department of Public Works and Highways. Nakuha noong 17 Hunyo 2019.[patay na link]
  6. "Construction of the MRT Line 7 begins". Official Gazette. Government of the Republic of the Philippines. 20 Abril 2016. Inarkibo mula sa orihinal noong 2 Disyembre 2016. Nakuha noong 17 Hunyo 2019.
  7. Ces Dimalanta at Emmie Abadilla (Abril 20, 2016). "DOTC, SMC break ground for P69.3B MRT-7". Manila Bulletin. Nakuha noong Abril 20, 2016.
  8. Balinbin, A.L. (November 28, 2019). "MRT-7 clears key hurdle". BusinessWorld. Nakuha noong Nobyembre 29, 2019.