Pumunta sa nilalaman

Abenida Jose Abad Santos

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Lansangang N3 (Pilipinas))

Abenida Jose Abad Santos
Jose Abad Santos Avenue
Daang Olongapo–Gapan
Olongapo–Gapan Road
Ang abenida pakanluran sa San Fernando, Pampanga
Impormasyon sa ruta
Haba118 km (73 mi)
Bahagi ng
Pangunahing daanan
Dulo sa silangan AH26 sa Gapan, Nueva Ecija
 
Dulo sa kanluranRegional Highway 5 sa Olongapo, Zambales
Lokasyon
Mga pangunahing lungsodGapan, San Fernando, Olongapo
Sistema ng mga daan
Mga daanan sa Pilipinas

Ang Abenida Jose Abad Santos (Ingles: Jose Abad Santos Avenue) na kilala rin bilang Daang Olongapo–Gapan (Olongapo–Gapan Road) at Daang Gapan–San Fernando–Olongapo (Gapan–San Fernando–Olongapo Road) ay isang lansangang may habang 118 kilometro (73 mi) na dumadaan sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Pampanga, Bataan at Zambales sa rehiyon ng Gitnang Luzon, Pilipinas. Isa itong pangunahing lansangan sa Luzon na itinakda bilang Pambansang Ruta Blg. 3 o N3.[1]

Ipinangalan ang Abenida Jose Abad Santos mula sa yumaong Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas na si Jose Abad Santos na isang Kapampangang ipinanganak sa San Fernando noong Pebrero 19, 1886. Dating tinawag ang abenida na Daang Olongapo–Gapan (Olongapo–Gapan Road) at Daang Gapan–San Fernando–Olongapo (Gapan–San Fernando–Olongapo). Pinalitan ito ng pangalan alinsunod sa Batas Republika Blg. 9477 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Mayo 22, 2007. Ngayon, kilala ang abenida sa pinaikling katawagan nitong JASA, subalit ginagamit pa rin ang dating pangalan nito.[2]

Nagmumula ang Abenida Jose Abad Santos sa panahon ng unang kasaysayan ng Pilipinas. Pinalawak ng Imperyong Kapampangan ang kanilang mga pangangalakal sa kabuuan ng Gitnang Luzon na nagtulak sa kanilang magtayo ng mga daanan katabi o kalapit sa Ilog Pampanga. Umiiral noon ang mga daanan na papuntang Nueva Ecija, Bulacan at Rizal (kasama ang kasalukuyang Kalakhang Maynila), ngunit hindi pa makapasok ng imperyo ang Zambales at Bataan. Sa mga nakalipas na taon, gumawa sila ng mga daanang lupa na madadaanan ng mga tao at mga maliit na bagong hinihila ng mga kabayo.

Nang dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, pinaunlad nila ang daang itinayo ng dating imperyo. Pinalawak nila ang daan, nagtayo sila ng mga tulay, at idinugtong ito sa Olongapo. Malaking tulong ito sa pagtatag nila ng Tarangkahang Kastila ng Subic sa may Look ng Subic. Nang dumating ang mga Amerikano, nailatag nila ang daan at nagtayo ng mga kongkretong tulay. Ang pinakamahaba sa mga tulay na ito ay tumatawid sa Ilog Pampanga. Ang hakbanging ito ay malaking tulong sa pagtatag nila ng Palapagang Clark at kanilang baseng pandagat sa Look ng Subic.

Nang nagsimula ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, napinsala ang Daang Olongapo–Gapan na nagpatigil sa transportasyon sa buong kahabaan ng daan. Binomba ng mga Hapones ang daan upang mapigilan ang mga Amerikano at Pilipino na magpatibay ng iba't-ibang mga base sa buong Gitnang Luzon. Nang matapos ang digmaan, inayos at ikinumpuni ng pamahalaan ang buong daan, at inilatag ang kabuuang 118 kilometrong lansangan. Nagtayo rin ng mga bagong tulay, pinaganda ang mga shoulder[a] at nagdagdag ng ilang mga pasilidad.

Sa kasalukuyan, ang Daang Olongapo–Gapan o Abenida Jose Abad Santos, na itinakda bilang Pambansang Daan Blg. 3 (N3) ng sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas, ay isa sa mga pinakamahalagang lansangan sa Gitnang Luzon na nag-uugnay ng mga lalawigan ng Nueva Ecija, Pampanga, Bataan at Zambales.

Paglalarawan ng ruta

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Isang bahagi ng Abenida Jose Abad Santos sa pagitan ng Lansangang MacArthur at North Luzon Expressway (NLEx).

Nagsisimula ang lansangan sa lungsod ng Gapan sa Nueva Ecija at dumadaan sa mga bayan ng San Isidro at Cabiao bago pumasok sa lalawigan ng Pampanga. Pagpasok nito sa nasabing lalawigan, dumadaan nito sa mga bayan ng Santa Ana, Arayat, at Mexico. Babagtasin nito ang North Luzon Expressway (NLEx) at Lansangang MacArthur sa lungsod ng San Fernando bago magtungo kanluran sa Bacolor, Santa Rita, Guagua at Lubao. Papasok naman ito sa Bataan sa Hermosa at Dinalupihan, at sa huli ay magtatapos sa Monumento ng Ulo ng Apo sa lungsod ng Olongapo sa Zambales.[3]

Maraming mga mataas na boltaheng mga linya ng kuryente sa itaas na pinatatakbo at pinananatili ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at iba't ibang mga kompanyang distribusyon ng kuryente ay gumagamit ng malaking bahagi ng ruta ng abenida para madaling mapuntahan ng mga pantrabahong sasakyan at dahil na rin sa kakulangan ng lupain para sa ilalaang karapatan sa daan. Pinakakapansin-pansin sa mga linya ng kuryenteng ito ang linyang transmisyon ng Hermosa-Duhat-Balintawak mula Labasan ng San Fernando ng NLEx sa Pampanga hanggang sub-estasyon ng Hermosa ng NGCP sa Bataan at Hermosa-Calaguiman mula sub-estasyon ng Hermosa hanggang Layac Junction. Kasalukuyang isinasailalim ang bahaging San Fernando ng linyang transmisyon na ito sa isang pagpapalipat upang mapawi ang mabigat na trapiko sa kahabaan ng abenida dulot ng pag-iral ng mga poste nitong nakatayo sa mismong lansangan, at para mabigyang daan ang pagpapalawak ng abenida sa bahaging Barangay Dolores.[4]

Kabilang sa mga kilalang pook-palatandaan na matatagpuan dito ay SM City Pampanga at Robinsons Star Mills.[5][6][7]

  1. Ang kahulugan ng "shoulder" batay sa diksiyonaryo sa iPad (kapag iniukol sa daan) ay: isang nailatag na makitid na piraso ng lupa sa tabi ng isang daan para sa paghinto pag-may emerhensiya ("a paved strip alongside a road for stopping on in an emergency").

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Jose Abad Santos Avenue". ph.geoview.info (sa wikang Ingles). Nakuha noong 19 Hulyo 2017.
  2. "Republic Act No. 9477 | GOVPH". Official Gazette of the Republic of the Philippines. Inarkibo mula sa orihinal noong 2017-11-16. Nakuha noong 2017-07-19.
  3. "Gapan-San Fernando-Olongapo Road: San Fernando". Caught (up) in traffic. 18 Enero 2012. Nakuha noong 19 Hulyo 2017.
  4. Arcellaz, Princess Clea (1 Agosto 2019). "NGCP starts 'relocation' of Jasa electric posts". Inarkibo mula sa orihinal noong 18 Disyembre 2019. Nakuha noong 18 Disyembre 2019.
  5. "SM City Pampanga". SM Supermalls Mall List. SM Supermalls. Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-08-11. Nakuha noong 17 Pebrero 2014.
  6. Gonzales, Iris. "Gokongwei retires as chair of Robinsons Retail". philstar.com. Nakuha noong 28 Hunyo 2017.
  7. "Robinsons Land sees 7.9% boost in 2016 income". Rappler (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2 Hulyo 2017.