Pumunta sa nilalaman

Lapis

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Mga lapis na HB graphite.

Ang lapis ay isang kagamitang panulat o pangsining na karaniwang gawa sa manipis at matibay na pigmento na nasa loob ng matatag na pambalot. Pinoprotektahan ng pambalot ang pigmento na nasa loob nito mula sa pagkabali at pinipigilan ang pag-iwan ng mga marka sa kamay ng manunulat.

Nakakagawa ng mga marka ang mga lapis sa pamamagitan ng pisikal na pagkudkod, na nag-iiwan ng mga bakas ng matibay na materyal na kumakapit sa pilas ng papel o iba pang kagamitan na maguguhitan. Ito ay iba sa mga bolpen (ballpen o pen), na nag-iiwan ng likido o dyel na tinta na nagmamansta sa maputing kulay ng papel.

Karamihan ng mga lapis ay gawa sa graphite na may halong clay o luwad na nagsisilbing pandikit ng dalawa. Ito ay nag-iiwan ng gray o itim na mga marka na madaling mabura. Ang mga graphite na lapis ay gamit sa pagsulat at pagguhit na nagreresulta sa pangmatagalang mga marka: kahit na madaling maalis ang marka gamit ang pambura, ito ay hindi basta bastang naaalis ng halumigmig o moisture, karamihan ng mga kemikal, ultra violet radiation, at natural na paglipas ng panahon. Ang ibang mga uri ng lapis ay hindi madalas gamitin, tulad ng charcoal o gawa sa uling, na kadalasang ginagamit ng mga artista sa pagguhit. Ang mga lapis na may kulay ay paminsang ginagamit ng mga guro o mga editor para iwasto ang mga naisumite na teksto, ngunit ito ay kadalasang itinuturing na mga kagamitang pangsining, lalo na ang mga lapis na ang loob ay may halong wax, ang mga ito ay maaaring kumalat sa papel sa halip na mabura. Ang lapis na gawa sa grease (grasa) ay mayroong mas malambot at hawig sa krayola na loob o core na nag-iiwan ng mga marka sa mga makikinis na kagamitan tulad ng salamin o porselana.

Usbong Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.