Pumunta sa nilalaman

Henry van Dyke

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Para sa tula ni Henry van Dyke ukol sa trabaho, pumunta sa lathalaing hanapbuhay.
Si Henry van Dyke.

Si Henry van Dyke (Nobyembre 10, 1852Abril 10, 1933) ay isang Amerikanong may-akda, tagapagturo, Presbiterong ministro, at klerigo.[1]

Nagtapos siya ng pag-aaral mula sa Pamantasan ng Princeton noong 1873, at mula sa Teolohikal na Seminaryo ng Princeton noong 1877. Naglingkod siya bilang isang propesor ng Panitikang Ingles sa Princeton[1] sa pagitan ng 1899 at 1923. Mula 1908 hanggang 1909, naging isang lektor o tagapagtalakay si Dr. van Dyke sa Pamantasan ng Paris. Itinalaga siya ng dating pangulo ng Estados Unidos na si Woodrow Wilson bilang Ministro sa Nederlandiya[1] at Luksemburgo noong 1913. Nahalal siya sa Amerikanong Akademya ng mga Sining at mga Liham at nakatanggap ng marami pang ibang mga parangal. Anak niyang lalaki si Tertius van Dyke.

Nangasiwa si van Dyke ng komiteng nagsulat ng unang Presbiterong nakalimbag na liturhiya, Ang Aklat ng Karaniwang Pagsamba ng 1906 (The Book of Common Worship of 1906). Kabilang sa kanyang mga tanyag na mga sulatin ang dalawang kuwentong pamaskong The Other Wise Man ("Ang Isa Pang Lalaking Marunong" o "Ang Isa Pang Mago," 1896) at Ang Unang Punong Pamasko (The First Christmas Tree, 1897). Nakasaad din sa kanyang panulaan, himno, at mga sanaysay ang sari-saring mga temang pampananampalataya ng kanyang mga gawa, na tinipon sa Little Rivers ("Maliliit na mga Ilog," 1895) at sa Fisherman’s Luck ("Suwerte ng Mangingisda," 1899). Siya ang nagsulat ng mga panitik o liriko para sa bantog na himnong Joyful, Joyful We Adore Thee ("Masaya, Masaya Pinupuri Ka Namin," 1907), na inaawit sa himig ng Ode to Joy ("Oda sa Kasiyahan") ni Beethoven. Nagtipon siya ng ilang mga maiikling kuwento sa The Blue Flower ("Ang Bughaw na Bulaklak," 1902) na ipinangalan mula sa susing sagisag ng Romantisismong unang ipinakilala ni Novalis. Nag-ambag din siya ng isang kabanata sa tulungan o kolaboratibong nobelang The Whole Family ("Ang Buong Mag-anak," 1908). Kabilang sa kanyang mga tula ang Katrina's Sundial ("Orasan Pang-araw ni Katrina") na naging inspirasyon para sa awiting Time Is ("Ganyan ang Oras" o "Ganyan ang Panahon") ng pangkat na It's a Beautiful Day ("Isa Itong Magandang Araw") sa kanilang eponimong album ng pagpapakilala noong 1969.

Sinipi ni Jack London ang Essays in Application ("Mga Ginagamit na Sanaysay," 1905) ni van Dyke sa loob ng distopyanong nobelang The Iron Heel ("Ang Sakong na Bakal"). Hindi nagustuhan ni London ang mga ideya ni van Dyke, subalit binigyan ni London ito ng komplimento sa paghula na maaalala pa rin ang mga sulatin ni van Dyke sa loob ng anim na raang taon ng hinaharap, at sisipiin o sasangguniin ng isang manunulat ng ika-16 daan taon bilang isang halimbawa ng burges (bourgeois) na pag-iisip o kaisipan. Espesipikong tinukoy ni London ang sinabi ni van Dyke na:

"Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ang may-ari ng daigdig. Nagpapamahagi siya sa bawat isang tao ayon sa Kanyang sariling mabuting kasiyahan, na naayon sa pangkalahatang mga batas."[2]

Itinuring ito ni London bilang katulad sa sinabi ng Asosasyon Bautista ng Charleston noong mga 1830, na nagbigay katarungan sa pang-aalipin batay sa mga kadahilanang teolohikal.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 The Christophers (2004). "Henry Van Dyke, may-akda, propesor sa Pamantasan ng Princeton, Presbiterong ministro, Ministro ng Estados Unidos para sa Nederlandiya, The Worth of Work". Three Minutes a Day, Tomo 39. The Christophers, Lungsod ng Bagong York, ISBN 0939055384.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina para sa Setyembre 5.
  2. Salin ng Ingles na: "The Bible teaches that God owns the world. He distributes to every man according to His own good pleasure, conformably to general laws."

Panlabas na mga kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]
May koleksyon ng mga sipi ang Wikiquote sa Ingles tungkol sa paksa ng artikulong ito.
Wikisource
Wikisource
Ang Wikisource ay may orihinal na tekstong kaugnay ng lathalaing ito: