Ang Best Song Ever ay awitin ng pop na bandang Ingles-Irlandes na One Direction. Opisyal itong inilunsad sa publiko ng Syco Music at Columbia Records noong 22 Hulyo 2013[2] bilang punong awit (lead single) ng ikatlong studio album ng grupo, ang Midnight Memories. Ito rin ang opisyal na awitin ng pelikula-dokumentaryo ng nasabing banda, na may pamagat na One Direction: This Is Us. Inirekord ng banda ang awitin noong 2013 at tumatakbo ito ng 3 minuto at 21 segundo. Inanunsiyo ito ng One Direction sa isang bidyong kanilang ikinarga sa kanilang channel sa YouTube noong 25 Hunyo 2013. Inilabas din ang trailer ng nasabing pelikula tatlumpung minuto makalipas ikarga ang bidyo, at kasama nito ang maikling pasilip (preview) sa kanta. Nagsimulang ipagbili nang di-pa nailalabas (available for pre-order) ang awitin sa iTunes noong ika-26 ng Hunyo. Nakasama ang awit sa box set ng Gantimpalang Brit (Brit Awards), ang 2014 BRIT Awards.[3]