Pumunta sa nilalaman

Abenida Governor Pascual

Mga koordinado: 14°40′4″N 120°57′53″E / 14.66778°N 120.96472°E / 14.66778; 120.96472
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Abenida Governor Pascual
Governor Pascual Avenue
Daang Concepcion–Potrero (Concepcion–Potrero Road)
Abenida Governor Pascual sa kanluran ng Kalye Marcelo H. del Pilar sa kahabaan ng hangganang Tinajeros-Tugatog
Impormasyon sa ruta
Haba4.4 km (2.8 mi)
Pangunahing daanan
Dulo sa kanluranKalye Heneral Luna sa Concepcion at Baritan
 
  • Kalye Vicencio
  • Kalye Sanciangco
  • Kalye Marcelo del Pilar
  • Abenida Goldendale–Kalye Sisa
  • Abenida Industrial
  • Abenida Araneta–Daang Del Monte
Dulo sa silangan N1 / AH26 (Lansangang MacArthur) sa Potrero
Lokasyon
Mga pangunahing lungsodMalabon
Sistema ng mga daan
Mga daanan sa Pilipinas

Ang Abenida Governor Wenceslao Pascual (Governor Wenceslao Pascual Avenue), na karaniwang kilala sa payak na katawagang Abenida Governor Pascual (Governor Pascual Avenue), ay isang pangunahing silangan-pakanlurang daang arterya sa lungsod ng Malabon sa Kalakhang Maynila. Isa itong hindi nakamarkang ruta sa sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas at ibinukod ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan (DPWH) bilang isang pambansang daang tersiyaryo.[1] Ang pandalawahang abenida na may habang 4.43 kilometro (2.75 milya) ay ang pinakamahaba sa mga pambansang lansangan ng lungsod.[2] Mahilig sa pagbaha ang ilang mga bahagi nito mula sa Ilog Tullahan na dumadaloy sa hilaga ng abenida sa gitna-silangang Malabon.[3]

Ipinangalan ang abenida mula kay Wenceslao Pascual, isang taga-Malabon na naging ika-17 gobernador ng Rizal mula 1952-1955. Ang sambahayan ng mga ninuno sa Barangay Hulong Duhat na itinayo noong 1930 at idinisenyo ni Juan Nakpil at kung saang ipinanganak ang dating gobernador ay ipinanatili ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng isang pampook na ordinansa.[4]

Nagsimula ang pagtatayo ng abenida noong Setyembre 1954 sa ilalim ng pamamahala ni Gobernador Wenceslao Pascual. Nakompleto ito noong Agosto 1970 at ipinasinaya noong Disyembre ng taong iyon ni Gobernador Isidro Rodriguez at mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan ng Rizal.[5] Unang tinawag ang abenida na Daang Concepcion–Potrero (Concepcion–Potrero Road) at mas-naunang tinawag na Bagong Daan ng mga pampook na residente. Noong 1984 ito ay ginawang pambansang daan ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan (DPWH) mula sa dating katayuan na panlalawigang daan.[6]

Paglalarawan ng ruta

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagsisilbing isang pangunahing gulugod pantransportasyon ng Malabon ang Abenida Governor Pascual na nag-uugnay ng mga barangay Potrero, Tinajeros, Acacia, Tugatog, Catmon, Baritan at Concepcion. Dumadaan ito sa oryentasyong silangan-pakanluran na sumusunod sa mga liko ng Ilog Tullahan mula Potrero sa silangan hanggang Concepcion sa kanluran. Mula sa silangan dulo nito sa isang rotondang tinatawag na Bilog ng Pinagtipunan na nag-uugnay sa Lansangang MacArthur sa Potrero, tumatakbo ang abenida nang 1.4 kilometro (0.87 milya) papuntang hilagang-kanluran sa karamihan ay mga pook-pang-industriya ng pinakamalaking barangay ng Malabon. Sa silangang dulo nito nakatayo ang Malabon Zoo at Mababang Paaralan ng Potrero bilang mga kapansin-pansing palatandaang-pook. Liliko ito pakanluran-timog-kanluran sa may Daang Industriyal ng GIC Compound at tumatawid sa linyang daambakal ng Pambansang Daambakal ng Pilipinas sa baba ng nakaangat na Bahaging 10 ng North Luzon Expressway na tanda ng kanlurang hangganan ng Barangay Potrero.

Abenida Governor Pascual sa kanluran ng Kalye Sanciangco sa Catmon

Mula sa bagtasang ito na kung saang matatagpuan ang estasyong daangbakal ng Governor Pascual, nagsisilbi ang abenida bilang linyang panghati sa pagitan ng mga Barangay Tinajeros at Acacia at nag-uugnay rin ito sa hilagang dulo ng Barangay Tugatog malapit sa sangandaan ng Kalye Marcelo H. del Pilar. Maraming mga establisimiyentong pangkalakalan ang matatagpuan sa kahabaang ito ng Abenida Governor Pascual, isa sa mga ito ay Robinsons Town Mall Malabon. Liliko naman ang abenida sa mataong Barangay Catmon kung saang matatagpuan ang Liwasang Bayan ng Malabon sa isang maliit na tabing daan paglagpas ng Kalye Sanciangco Street. Tutungo naman ito sa isang bukas na latian bago tumawid ng Tulay ng Lambingan papuntang Concepcion sa ibabaw ng Ilog Tullahan.

Sa kanluran ng Tulay ng Lambingan, tumatakbo ang abenida sa kahabaan ng hangganang Baritan-Concepcion. Ang bahaging ito ng abenida sa hilaga ng poblasyon o kabayanan ng Malabon ay kilala sa kulturang gastronomiko nito at tahanan ng ilang karihan o restawran na naghahain ng mga katutubong pagkain ng lungsod tulad ng [[[kakanin]] at pansit malabon, kabilang ang Dolor's sa Kalye Bernardo at Nanay's Pancit Malabon sa Kalye Santa Ana.[7] Kinaroroonan din ito ng kampus-José Rizal ng Pamantasang Arellano at ng Suriang Politekniko ng Lungsod ng Malabon. Nagtatapos ang abenida sa Kalye Heneral Luna sa hilaga ng Pamilihang Barangay ng Concepcion.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "2017 Road Data: National Capital Region". Department of Public Works and Highways. Inarkibo mula sa orihinal noong 8 October 2018. Nakuha noong 4 April 2019.
  2. "City Development Plan 2012-2014" (PDF). City Government of Malabon. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 20 Hulyo 2019. Nakuha noong 4 April 2019.
  3. Lazaro, Angel Jr. (11 October 2012). "Cheaper solution to Malabon flooding: new floodgates". Philippine Daily Inquirer. Nakuha noong 4 April 2019.
  4. Cayabyab, Marc Jayson (18 March 2018). "Malabon seeks protection of heritage sites". The Philippine Star. Nakuha noong 4 April 2019.
  5. Cecile M. (7 December 2019). "The Wenceslao Pascual House". My Malabon. Nakuha noong 4 April 2019.
  6. "Ministry Order No. 35" (PDF). Department of Public Works and Highways. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 4 April 2019. Nakuha noong 4 April 2019.
  7. Ramirez, Robertson (11 March 2018). "Malabon on three wheels". The Philippine Star. Nakuha noong 4 April 2019.

14°40′4″N 120°57′53″E / 14.66778°N 120.96472°E / 14.66778; 120.96472