Pumunta sa nilalaman

Palasyo ng Malakanyang

Mga koordinado: 14°35′38″N 120°59′40″E / 14.5939°N 120.9945°E / 14.5939; 120.9945
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Palasyo ng Malakanyang
Palasyo ng Malakanyang is located in Kalakhang Maynia
Palasyo ng Malakanyang
Lokasyon sa Kalakhang Maynila
Dating pangalanPalacio de Malacañan
Iba pang pangalanMalacañan Palace
Palacio de Malacañáng
Pangkalahatang impormasyon
Estilong arkitekturalArkitekturang Kolonyal ng Espanya, Arkitekturang Neo-klasikal
KinaroroonanSan Miguel, Maynila
PahatiranKalye Jose Laurel,
San Miguel, Maynila
BansaPilipinas
Mga koordinado14°35′38″N 120°59′40″E / 14.5939°N 120.9945°E / 14.5939; 120.9945
Kasalukuyang gumagamitRodrigo Duterte'
President of the Philippines
Sinimulan1750[1]

Ang Palasyo ng Malakanyáng (Ingles: Malacañang Palace) ay opisyal na tiráhan ng pangulo ng Pilipinas. Nagmula ang pangalan mula sa pananalitang May lakan diyan dahil dáting nakatirá dito ang isang mayamang Kastilang negosyante bago pa ito naging tiráhan ng punong tagaganap ng bansa. Matatagpuan sa hilagang pampang ng Ilog Pasig sa Maynila. Tumutukoy sa opisyal na tiráhan ng pangulo ang Palasyo ng Malakanyang samantalang tumutukoy ang Malakanyang sa tanggapan ng pangulo at pang-araw-araw na pagtutukoy ng medya. Ipinapakita ito sa verso (likod) na bahagi ng 20-pisong salapi.

Itinayo ang orihinal na gusali noong 1750 ni Don Luis Rocha bílang bahay pahingahan sa tabi ng Ilog Pasig. Binili ito ng estado noong 1825 bílang tirahan ng Gobernador Heneral ng Espanya tuwing tag-init. Matapos wasakin ng lindol ang Palacio del Governador sa loob ng Intramuros noong Hunyo 3, 1863, ginawa itong opisyal na tiráhan ng Gobernador Heneral. Matapos masakop ng Estados Unidos ang Pilipinas noong 1898, ginawa itong tiráhan ng mga Gobernador ng Amerika, simula kay Heneral Wesley Merritt.

Kinalaunan, noong nagsarili ang Pilipinas, naging tiráhan ito at tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas. Marami ring mga pagbabago na ginawa sa lupain ng Malakanyang simula ng 1750, kabílang na ang mga pagpapalawak sa loteng ito at sa pagpapagiba at pagpapatayo ng iba pang mga gusali. Sa mga Pangulo ng Ikalimang Republika, tanging si Gloria Macapagal-Arroyo lámang ang tumirá sa pangunahing Palasyo, habang ang iba ay piniling tumirá sa kalapit na mga gusali na bahagi ng kompleks ng Malakanyang.

Sa kasaysayan ay ilang beses nang tinangkâ at nagawang lusubin ang Malakanyang, kabílang dito ang Rebolusyon sa EDSA, ang kudeta ng 1989, ang kaguluhan sa Maynila noong 2001, at ang tinatawag na EDSA III.

Ngayon, ang kompleks ay binubuo ng Palasyo ng Malakanyang, ang Bonifacio Hall (dati'y tinawag na Premier Guest House na ginamit ni Pangulong Corazon Aquino bílang kanyang opisina at ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada bílang kanyang bahay), ang Kalayaan Hall (ang dáting gusaling naging tiráhan ng mga pinúnò sa ilalim ng pamumuno ng mga Amerikano), ang Mabini Hall (ang gusali ng administrasyon) at ang New Executive Building (na ipinatayo ni Pangulong Aquino) kasáma ang ilang maliliit na gusali. Katapat ng Palasyo ang Parke ng Malacanyang, na mayroong golf course, parke, billets para sa mga guwardiya ng pangulo, isang bahay na mala-Komonwelt ang itsura (Bahay Pangarap) at recreation hall.

Pinanggalingan ng Salita

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa opisyal na etimolohiya noong dekada 1930 ay nanggaling ang salitang Malakanyang sa pariralang "May lakan diyan", at sinasabing ang unang nanirahan dito ay isang mayamang negosyanteng Kastila.

Ngunit ayon sa mga Kastila, ang pangalan nito ay nanggaling sa terminong "mamalakaya" o mangingisda, na minsan nang nanghuhuli sa bahagi ng tabing-ilog kung saan nakatayô na ngayon ang Palasyo.[2][3] Isa pang giit ang nabuo kung saan sinasabing ang Palasyo ay pinangalan mula sa lumang pangalan ng kalsada kung saan ito nakatayo, ang "Calzada de Malacañang".[4]

Ayon naman sa pamilyang Rocha, ang terminong "Malacañang" nabuo kay Luis Rocha. Sa panayam na ginawa ni Ileana Maramag noong 1972, sinabi ni Antonio Rocha na ang kaniyang ninuno ay magsisiyesta sa bahay na kaniyang itinayo at ang kaniyang tagabantay na Indiyano ang nagtataboy sa mga maiingay na dumadaan. Kalimitang sinasabi ng tagabantay na "malaki iyan" habang tinuturo ang bahay.

Ang Palasyo sa karatula na matatagpuan sa press room.[5]

Sa kasalukuyan, kalimitang ginagamit ang salitang "Malakanyang" at "ang Palasyo" upang tumukoy sa Pagkapangulo, sa sangay ehekutibo at minsan sa buong pambansang pamahalaan.

Ang salitang Malacañang ay walang dudang Tagalog. Noong panahon ng mga Kastila, ang nakalagay na baybay sa mga aklat sa wikang Kastila ng mga panahong iyon ay Malacañang at hindi Malacañán.[6][7] Maging ang baybay sa mga naunang plano ng mga Kastila ay Malacañang.[8] Sinasabing pinalitan ang baybay ng pangalan noong panahon ng mga Amerikano at ginawa itong "Malacañan", sa kabila ng katotohanan na ang "-ng" bílang dulong tunog ay napakakaraniwan sa wikang Ingles.[9] Ngunit matapos ang inagurasyon ni Pangulong Ramon Magsaysay noong 30 Disyembre, 1953, binalik ng pamahalaang Pilipinas ang baybay sa Malacañang, bílang pagbibigay-pugay sa makasaysayang pinasimulan ng Palasyo.

Noong administrasyon ng Pangulong Corazon Aquino, nabuo ang polisiya para magkaroon ng pagkakaiba sa pagitan ng "Malacañan Palace", opisyal na tiráhan ng Pangulo at "Malacañang", Tanggapan ng Pangulo. Ang pagbabalik ng katawagang "Malacañan Palace" ay makikita sa mga opisyal na papelerya at karatula, kabílang ang karaniwang nakikitang tanda na makikita sa senaryo ng silid ng mga mamamahayag (press room) na inihango sa tanda ng White House. [10] Ayon sa kaugalian, ang Malacañan Palace ay nakareserba sa mga opisyal na dokumentong nilagdaan ng Pangulo, habang ang mga ginagamit at nilalagdaan ng mga katulong nito ay gumagamit ng pangalang Malacañang.

Ang Palasyo noong 1898.

Karaniwan, ang mga namumunong mga kolonistang Kastila sa Pilipinas na mga Gobernador Heneral ay nakatira sa Palacio del Gobernador sa loob ng Intramuros sa Maynila. Orihinal na tinayo ang Malakanyang bilang castia (o bahay baryo) noong 1750 na yari sa adobe, kahoy at ang mga panloob nito ay niyarian ng pinakamainam na narra at adobe. Nakalagay siya sa 16 ektaryang lupa na pagmamahy-ari ng aristokratong Kastila na nagngangalang Don Antonio V. Rocha, at kinalauna'y binenta kay Kol. Jose Miguel Formento noong 16 Nobyembre 1802 sa halagang isang libong piso. Kinalaunan din ay ibinenta ito sa pamahalaan pagkamatay ni Formento noong Enero 1825. Kapag tag-init, kung kailan karaniwa'y lumalabis ang init ng panahon sa Intramuros, ay ginawa itong pansamantalang tirahan ng mga Gobernador Heneral, kung saan maari silang makapagpahinga sa mga hardin at beranda na nasa gilid ng malapad na ilog.[11]

Si Rafael de Echague y Bermingham na dating Gobernador ng Puerto Rico ang naging unang Kastilang Gobernador Heneral na tumira sa Palasyo. Dahil naliliitan siya sa lugar ay ay nagpatayo siya ng karagdagang dalawang-palapag na gusali sa likod ng orihinal na gusali, at nagpatayo din siya ng mas maliliit na gusali para sa mga gwardya at iba pang mga tauhan sa Palasyo, at pantalan para sa mga bumibisita lulan ng bangka. Noong lumindol noong 1869, nagkaroon ng pinsala ang Malakanyang at agad itong isinaayos. Ginawa ang pagsasatibay ng gusali at sa pagsasaayos ng loob nito, at pinalitan ng yero ang tisang bubungan nito.

Noong 1880, tumama na naman ang isa pang lindol. Nagdagdag ng portico sa harapan upang magsilbing bubungan ng mga naghihintay na karwahe. Noong 1885, idinagdag ang tagdan ng bandila sa harapan ng palasyo. Nagkaroon din ng malawakang pagsasaayos sa nasabing palasyo upang ayusin ang dumadaming mga depekto nito, kabilang na ang mga tumutulo sa bubungan at mga nawawalang baldosa ng kusina. Nagkahalaga ng PhP22,000 ang nasabing mga pagpapaayos.

Noong nagtapos ang pamumuno ng mga Kastila noong 1898, marami nang mga gusali sa loob ng kompleks ng Malakanyang na karamihan ay yari sa kahoy, na may bintanang capiz, patio at azotea.[12]

Panahon ng mga Amerikano at ng Komonwelt

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang Palasyo mula sa Ilog, taong 1910.

Matapos ang digmaang Espanyol-Amerikano ay napasailalim ang Pilipinas sa pamumuno ng mga Amerikano. Naging tirahan ang Palasyo ng mga Gobernador Henral ng Amerika. Si Heneral Wesley Merritt ang naging unang Amerikanong Gobernador Militar na tumira sa Palasyo noong 1898, habang si William Howard Taft ang naging unang Gobernador Sibil na residente noong 1901.[13] Gumawa sila ng karagdagang pagsasaayos at pagpapalawak ng Palasyo, at marami pang mga katabing lupa ang binili.

Noong itinatag ang Pamahalaang Komonwelt noong 15 Nobyembre 1935 ay naging tirahan ang Malakanyang ng mga Pangulo ng Pilipinas. Si Manuel L. Quezon ang unang Pilipinong residente ng Palasyo. Simula noon ay naging opisyal na tirahan ang Malakanyang ng mga pangulo ng Pilipinas. Ang isa sa mga malaking ginawang pagsasaayos ng mga Amerikano ay ang solusyon sa pagkontrol sa baha. Dahil karaniwang binabaha ang pampang ng Ilog Pasig ay isinagawa ang reklamasyon sa Ilog Pasig ng 15 talampakan at itinayo ang isang kongkretong pader. Ginawang bulwagang sosyal ang unang palapag na noon ay bodega.

Sa kabila ng matinding pinsala na tinamo ng Maynila noong pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nananatiling nakatayo ang Palasyo ng Malakanyang, isa sa mga natatanging gusaling nakatayo pagkatapos ng mga pagbobomba. Ang tangi lamag pinsala na natamo ng Palasyo ay nasa timog-kanlurang bahagi nito, kung saan matatagpuan ang Pang-estadong Silid Kainan at ang silid pangserbisyo nito, kung saan ito ay napinsala ng pagbobomba.[12] Ginawa ding kulungan ang Malakanyang ng mga mananakop na Hapon, samantalang nilipat ni Quezon ang kaniyang tanggapan sa Corregidor, na nagsisilbi din noong tanggapan ni Heneral Douglas MacArthur.

Noong nanirahan si Pangulong Diosdado Macapagal sa palasyo, napagtanto niya na nangangailangan na ito ng malakihang pagkukumpuni. Isinagawa ng unang Ginang Eva Macapagal ang malakihang proyekto na magpapaganda sa kompleks. Sa gawaing ito, maraming pinalayas na mga naglalako sa bangketa at ginawang mga hardin ang mga maputik na lugar.

Si Pangulong Ferdinand Marcos at ang kaniyang asawang si Imelda ang pinakamatagal na nanirahan sa Palasyo, mula 1965 hanggang 1986. Matapos ang pagtangkang pagsugod sa Palasyo ng mga estudyante noong dekada 70, idineklara ang Batas Militar, at isinara ang buong Palasyo maging ang pumapalibot na lugar nito mula sa publiko.

Ang Ilog Pasig, na siyang malinis noong ika-19 siglo, ay nagkaroon ng masangsang na amoy noong dekada 70 at nagsilbi pang tirahan ng mga lamok. Sa pagitan ng 1978-79, pinasinayaan ni Gng. Marcos ang mga proyekto sa Palasyo ayon sa kaniyang marangyang panlasa. Giniba ang halos buong orihinal na Palasyo at ginawan ito ng bago hindi lamang upang matustos ang pangangailangan ng Pamilyang Marcos, kundi dahil na rin ang buong gusali ay halos pinagtagpi-tagpi na lamang ang mga kasiraan na nabuo ng napkahabang panahon, na mayroong mga tagas sa bubungan at marupok na sahig. Ang bagong gusali ay yari na sa kongkreto at bakal, ang mga sahig ay tinakpan ng magagarang mga kahoy, at nilapatan na rin ito ng proteksyon kontra sa bala at pangkalahatang air conditioning, at may sarili din itong pinagkukunan ng kuryente. Ang pagpapatayo ng bagong Palasyo ay pinasinayaan ni Arkitekto Jorge Ramos sa ilalim ng mahigpit na superbisyon ni Gng. Marcos. Pinasinayaan ang bagong Palasyo noong 1 Mayo, 1979, ang ika-25 anibersaryo ng mag-asawang Marcos.[12]

Noong pinatalsik ang mga Marcos ng Rebolusyon sa EDSA noong 1986, sinugod ng mga nagpoprotesta ang Palasyo. Inilantad ng mga namamahayag sa buong mundo ang luho ng pamilyang Marcos oras bago sila lumikas patungong Hawaii, kasama rito ang libu-libong mga koleksyon ng Sapatos ni Gng. Marcos. Kinalaunan ay binuksan muli sa publiko ang panguahing Plasyo at ginawa itong museo.

Upang mailayo ang kaniyang sarili mula sa dungis ng Ikaapat na Republika, pinili ni Pangulong Corazon Aquino na manirahan sa kalapit na Mansyong Arlegui ngunit pinagpatuloy pa rin ang pagganap ng tungkuling pangpamahalaan sa Gusaling Ehekutubo. Ganito din ang ginawa ng kaniyang kahaliling si Pangulong Fidel Ramos. Matapos ang pangalawang Rebolusyon sa Edsa, hinigpitan ang seguridad sa palasyo dahil sa mga pagtangkang patalsikin ang pamahalaan. Pinaayos ng Unang Ginang Amelita Ramos ang Bahay Pangarap, na naging karugtong ng Bulwagang Pangseremonyas ng Malakanyang. Pinanatili din ang kapilya bagaman iba ang pananampalataya ng Pamilyang Ramos na siyang mga Protestante.

Sa Malakanyang pinili ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na manirahan noong naluklok siya sa puwesto noong 2001. Nauna nang nanirahan si Arroyo sa Malakanyang noong panahon ng pamumuno ng kaniyang amang si Pangulong Diosdado Macapagal.

Sa kasalukuyan, si Pangulong Benigno Aquino III na anak ng yumaong si Pangulong Corazon Aquino ay naninirahan sa Bahay Pangarap, isang guest house sa katimugang pampang ng Ilog Pasig, katapat lang ng pangunahing Palasyo kung saan siya ay nagtatraho at tumatanggap ng bisita. Nananatiling bukás sa publiko ang mga ito.

  1. "Malacañan Palace Sesquicentennial" Naka-arkibo 2013-06-30 sa Wayback Machine.. Presidential Museum & Library.
  2. Quezon, Manuel III L. (2005) Malacañan Palace: The Official Illustrated History Studio 5 Publishing, Manila, ISBN 971-91353-9-5"
  3. Ocampo, Ambeth (1995). "Inside Malacañang".Bonifacio's Bolo. Pasig City: Anvil Publishing Inc. p. 122. ISBN 971-27-0418-1.
  4. De Moya y Jimenez, Francisco Javier (1882). "Las Islas Filipinas en 1882: estudios historicos, geográficos, estadísticos", pg. 274. El Correo, Madrid.
  5. "Official Gazette of the Philippines - www.gov.ph - Briefer on the new Malacañang Briefing Room signage". Inarkibo mula sa orihinal noong 2016-10-12. Nakuha noong 2015-04-25.
  6. Montero y Vidal, D. Jose (1895). "Historia General de Filipinas, Tomo III". pg. 504. Impreso de Camara de S.M., Madrid
  7. Sociedad Geografica de Madrid (1886). "Boletin de la Sociedad Geografica de Madrid, Tomo XXI", pg. 274. Imprenta de Fortanet, Madrid.
  8. "Government and Administration Naka-arkibo 2016-06-26 sa Wayback Machine.". Discovering Philippines. Retrieved on 2013-06-15.
  9. Ocampo, Ambeth (1995). "Inside Malacañang".Bonifacio's Bolo. Pasig City: Anvil Publishing Inc. p. 122. ISBN 971-27-0418-1.
  10. Official Gazette of the Philippines Naka-arkibo 2016-10-12 sa Wayback Machine.- www.gov.ph - Briefer on the new Malacañang Briefing Room signage Naka-arkibo 2016-10-12 sa Wayback Machine.
  11. De Carlos, Abelardo (1896). "La Ilustracion española y americana, Part 2", pg. 171. Madrid.
  12. 12.0 12.1 12.2 "Malacañan Palace Naka-arkibo 2011-11-14 sa Wayback Machine.". Presidential Library and Museum. Retrieved on 2013-06-15.
  13. "Residents of Malacañan Palace and their respective periods of residence Naka-arkibo 2013-10-07 sa Wayback Machine.". Presidential Museum & Library (Philippines). Retrieved on 2013-06-06.