Herodoto
Si Herodotus ng Halicarnassus ay isang mananalaysay na Griyego na namuhay noong ika-5 dantaong BC at itinuring ni Cicero bilang "Ama ng Kasaysayan."[1] Siya rin ang itinuturing bilang "Unang Mananalaysay ng Mundo." Kinikilala si Herodotus bilang manunulat ng The Histories, kung saan inilahad niya ang paglawak ng Imperyong Persa (Persian) sa ilalim nina Cyrus na Dakila, Cambyses, at Darius na Dakila, at maging ang pananalakay ni Xerxes noong 480 BC na nagtapos sa mga digmaan sa Salamis, Plataea, at Mycale.[2] Inilarawan rin dito ang pagtutunggali ng mga Persa (Persian) at mga Griyego noon panahong iyon.[1]
Herodotus | |
---|---|
Kapanganakan | tinatayang 484 BC Halicarnassus, Asya Menor |
Kamatayan | tinatayang 425 BC Thurii, Magna Græcia |
Trabaho | Mananalaysay |
Talambuhay
baguhinHango sa kanyang librong The Histories ("Ang Mga Kasaysayan") ang karamihan sa mga detalye sa buhay ni Herodotus. Ayon sa akda, ipinanganak si Herodotus sa bayan ng Halicarnassus (na ngayon ay bayan ng Bodrum sa bansang Turkey).[2] Noong panahong iyon, nasa ilalim ng Persiya ang kanilang bayan, sa pamumuno ni Reyna Artemisia. Isinilang si Herodotus mula kina Lyxes (ama) at Rhaeo (o Dryo, ina). May isa siyang kapatid na lalakeng nagngangalang Theodore.[3] Ayon sa mga mananaliksik, maaaring nagmula sa isang may-kaya na pamilya si Herodotus dahil sa kanyang angking talino sa pagsusulat, na kinakailangang magbayad ng guro noong mga panahong iyon.[2] Nangyari ang ilan sa mga digmaang isinalaysay niya noong bata pa siya, gaya ng dalawang Digmaang Persa (Persian) kung saan kinailangan niyang sumangguni sa mga nakatatanda upang makalikom ng mga kaganapan noong mga panahong iyon.[1] Hindi nakasaad kung bakit niya nilisan ang kanyang bayan, ngunit nagtagal siya ng ilang taon sa isla ng Samos at bayan ng Athens. Sinasabi ng ilang mga iskolar ng Alexandria, ilang dantaon matapos ang kamatayan ni Herodotus, na nilisan niya ang Halicarnassus matapos mabigo sa isang kudeta o dahil sa kanyang dismaya sa diktaturya ni Lygdamis, na sinasabing nagpapatay sa kanyang tiyo (o pinsan) na si Panyasis, isang manunula ng mga epiko.[2]
Maaari rin daw sabihin na naging isang sundalo (o hoplite) rin siya kung pagbabasehan ang kanyang estilo sa paglalarawan ng mga digmaan. Nakasaad din sa The Histories ang mga kahariang napuntahan diumano niya, gaya ng Babiloniya at Krimeya, maging ang bayan ng Sicily sa Italya.[2] Tinatayang aabot sa 31 antas ng kahabaan (longitude) at 24 antas ng agwat (latitude) ang nilakbay ni Herodotus.[3] Subalit, sinasabi ng mga mananaliksik na may mga pagkakaiba sa kanyang paglalarawan sa Babilonya at ang mga nahukay na ebidensiya.[2]
Hindi rin tiyak ang eksaktong taon ng kanyang kamatayan, na tinatayang nasa pagitan ng taong 429 at 413 BC.[2] Subalit, sinasabing namalagi siya sa bayan ng Thurii sa Magna Græcia (ngayon ay bahagi ng Italya) hanggang sa kanyang huling hininga.[3]
Estilo bilang mananalaysay
baguhinSinasabing hango sa estilo ni Homer, na nagsulat ng mga awit ukol sa mga bayani ng Iliad at Odyssey, ang paglalarawan ni Herodotus sa mga pangyayari sa paligid niya. Katulad dito ang paglilista ni Herodotus ng mga probinsiyang kabilang sa Imperyo ng Persiya at ng mga sundalong sumama sa ekspedisyon ni Xerxes patungong Gresya, na maihahambing sa paglilista ni Homer ng mga bansang kabilang sa Digmaang Troyano. May mga eksena rin diumano na kinopya si Herodotus mula sa mga akda ni Homer, kagaya ng pag-aagawan ng mga Persa (Persian) at Ispartano sa katawan ni Leonidas, na katulad ng isang eksena sa Iliad kung saan nag-agawan ang mga Griyego at Troyano sa katawan ni Patroclus. Isang mahalagang impluwensiya ni Homer sa estilo ni Herodotus ang paggamit ng mga "pagsikut-sikot" sa pagkuwento. Halimbawa dito ang pagsalaysay sa Ikalawang Aklat ng The Histories, kung saan balak salakayin ni Haring Cambyses ng Persiya ang Ehipto. Kasunod dito ang mga talakayan tungkol sa mga heyograpiya, kaugalian, at kasaysayan ng sinaunang bansang ito, at babalik muli sa pagkuwento ng pagsalakay ng mga Persa (Persian). Isa ring paghahalintulad sa mga estilo nina Homer at Herodotus ang pantay-pantay nilang pagtrato sa lahat ng mga tauhan sa kani-kanilang mga kuwento. Bayani man ang mga Griyego sa mga akda ni Homer, hindi naman kontrabida ang mga Troyano sa kanyang pagsasalaysay; gayundin sa pagtrato ni Herodotus sa mga Griyego at Persa (Persian).[2]
Ngunit may ilan ding mga pagkakaiba sa estilo nina Herodotus at Homer, lalo na pagdating sa pagsasaliksik. Kung ibinase ni Homer ang kanyang mga kuwento mula sa kanyang mga musa, hango naman ang mga salaysay ni Herodotus sa kanyang mga karanasan, paglalakbay, at palikom ng iba't ibang opinyon.[2]
Nagbigay ng matitinding detalye si Herodotus sa mga kultura ng iba't ibang kaharian noong panahong iyon, ngunit hindi kapani-paniwala ang ilan dito katulad ng abilidad ng mga Neuri na magbagong-anyo bilang mga aswang. Kahit na ipinagmamalaki niya ang kanyang pagiging Griyego, hindi naman minaliit ni Herodotus ang kultura ng ibang bansa, na kaiba sa karaniwang trato ng mga Griyego sa mga "barbaro."[2] Marami ring impormasyon ang nasagap sa The Histories ukol sa mga kaugalian ng Ehipto noong panahong iyon at, sa kanyang palagay, kung papaanong "baligtad" ang gawain ng mga Ehipsiyo kumpara sa mga Griyego. Ibinigay niyang halimbawa ang pagsulat ng mga Ehipsiyo mula kanan pakaliwa na iba sa estilong kaliwa't pakanan ng mga Griyego.[1]
Bukod kay Homer, sinasabing kumuha ng inspirasyon si Herodotus mula sa iba pang mga tulang epiko noong panahong iyon gaya ng Cypria at Epigoni, maging sa mga akda nina Hesiod, Olen, Musaeus, Bacis, Lysistratus, Archilochus of Paros, Alcaeus, Sappho, Solon, Aesop, Aristeas of Proconnesus, Simonides of Ceos, Phrynichus, Aeschylus and Pindar.
Hinihinala rin na hindi katutubong Griyego si Herodotus kung ibabase sa pangalang ng kanyang ama at tiyo, na malamang raw ay mga Karyano (o Carians). Dahil sa kanyang diumano'y magkahalong lahi, sinasabing nagbigay si Herodotus ng pagsasalaysay ng mga kaharian sa paligid niya, kung saan base ito sa opinyon ng mga Griyego at mga "barbaro."[4]
Mga puna
baguhinPinagdududahan ang ilan sa mga impormasyon na nasa The Histories, lalo na pagdating sa mga kuwentong isinalaysay sa kanya. Sinasabi ng mga mananaliksik na maaaring nakalimutan ng kanyang mga napagtanungan ang ilang detalye ukol sa mga pangyayaring pinag-usapan sa akda o biniro lang si Herodotus at binigyan ng mga sagot na malayo sa katotohanan.[1] Dahil dito, itinuring siya ng mga kritiko bilang Ama ng mga Kasinungalingan. Pinagdududahan din na nilikom niya mismo ang ilan sa mga salaysay sa kanyang akda. Hindi rin niya binabanggit kadalasan kung kaninong may-akda niya nakuha ang kanyang mga salaysay. Isa sa mga unang pumuna kay Herodotus ay ang kapwa mananalaysay na si Thucydides. Hindi man niya binanggit nang lantaran ang pangalan ni Herodotus, maaaring sabihing siya ang pinariringgan sa akda ni Thucydides na The History of the Peloponnesian War:
Ang kawalan ng romansa sa aking salaysay ay maaaring maging hindi kaakit-akit sa pandinig, ngunit sa mga nagnanais matamo ang malinaw na pananaw ukol sa nakalipas, at maging sa mga katulad o halos katulad na mga pangyayari na, bilang likas sa mga tao, ay maaaring mangyari sa hinaharap--kung ituring man ng mga taong ito na kapakipakinabang ang aking akda, magiging malugod ako sa ganoon. Isinulat ito bilang isang kagamitang may pangmatagalang halaga, hindi bilang isang akdang nakikipagpunyagi sa dagliang pandinig.[4]
Mga sanggunian
baguhin- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 Bune, Matt. "Herodotus" (sa wikang Ingles). Minnesota State University Mankato e-Museum. Inarkibo mula sa orihinal noong 19 Abril 2008. Nakuha noong 17 Abril 2008.
- ↑ 2.00 2.01 2.02 2.03 2.04 2.05 2.06 2.07 2.08 2.09 Lendering, Jona. "Herodotus of Halicarnassus" (sa wikang Ingles). Livius.org. Nakuha noong 13 Abril 2008.
- ↑ 3.0 3.1 3.2 Halsall, Paul. "Herodotus" (sa wikang Ingles). Ancient History Sourcebook. Inarkibo mula sa orihinal noong 23 Abril 2008. Nakuha noong 17 Abril 2008.
- ↑ 4.0 4.1 Pipes, David. "Herodotus: Father of History, Father of Lies" (sa wikang Ingles). Loyola University of New Orleans. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Enero 2008. Nakuha noong 18 Enero 2008.
Panlabas na kawing
baguhin- Herodotus Naka-arkibo 2009-05-14 sa Wayback Machine. sa About.com
- Herodotus on the Web
- Herodotus para sa mga Bata Naka-arkibo 2007-02-23 sa Wayback Machine.
- Mga pagsalin ng The Histories