Aden
Ang Aden (NK /ˈeɪdən/ AY-duhn, EU /ˈɑːdɛn/ AH-den; Arabe: عدن ʻAdin/ʻAdan pagbigkas sa Yemeni: [ˈʕæden, ˈʕædæn]) ay isang pangunahing lungsod at pantalan sa Yemen. Matatagpuan ito sa bunganga ng Dagat Pula (sa Golpo ng Aden) mga 170 kilometro (110 milya) silangan ng Bab-el-Mandeb. Ang populasyon nito ay umaabot sa 800,000 katao. Ang sinauna at likas na daungan ng Aden ay matatagpuan sa bunganga (crater) ng isang di-aktibong bulkan na ngayong bumubuo sa isang tangway at nakaugnay sa punong-lupain (mainland) sa pamamagitan ng isang mababang dalahikan. Ang daungang ito, ang Front Bay, ay unang ginamit ng sinaunag Kaharian ng Awsan sa pagitan ng ika-7 at ika-5 dantaon BK. Nasa kabilang gilid naman ng tangway ang makabagong daungan. Binabahagi ng Aden ang pangalan nito sa Golpo ng Aden.
Binubuo ang Aden ng ilang mga di-magkauring sub-sentro: Crater, ang orihinal na pantalang lungsod; Ma'alla, ang makabagong pantalan; Tawahi, na kilala bilang "Steamer Point" sa panahong koloniyal; at mga liwaliwan (resort) ng Gold Mohur. Ang Khormaksar na matatagpuan sa dalahikan na nag-uugnay ng pusod ng Aden sa punong-lupain ay kinaroroonan ng mga misyong diplomatiko ng lungsod, ng mga punong tanggapan ng Pamantasan ng Aden, at Paliparang Pandaigdig ng Aden (ang dating himpilang RAF Khormaksar ng British Royal Air Force) na pangalawang pinakamalaking paliparan ng Yemen. Sa punong-lupain ay mga sub-sentro ng Sheikh Othman, isang dating oasis na lugar; Al-Mansura, isang bayang pinalano ng Briton; at Madinat ash-Sha'b (dating Madinat al-Itihad), ang sityong itinakda bilang kabisera ng South Arabian Federation at ngayong kinaroroonan ng isang malaking pasilidad ng lakas/desalinisasyon at karagdagang mga faculty ng Pamantasan ng Aden.
Ang Aden ay kabisera ng Popular na Demokratikong Republika ng Yemen hanggang sa pag-isahin ang nasabing bansa sa Yemen Arab Republic noong 1990, at naging pansamantalang kabisera ng Yemen noong bunga ng kudeta noong 2014–15, tulad ng ipinahayag ni Pangulong Abd Rabbuh Mansur Hadi pagkaraan niyang lumikas mula sa pag-okupa ng Houthi sa Sana'a.[1] Mula Marso hanggang Hulyo 2015, may labanan sa pagitan ng Houthis at mga loyalista ni Pangulong Hadi. Nagkulang ang mga suplay ng tubig, pagkain, at kagamitang medikal sa lungsod.[2] Noong Hulyo 14, inilunsad ng Hukbong Katihan ng Saudi ang isang opensiba upang makuha muli ang Aden para sa pamahalaan ni Hadi. Sa loob ng tatlong araw napaalis ang mga Houthis mula sa lungsod.[3]
Mga kapatid na lungsod
baguhinBansa | Lungsod |
---|---|
Djibouti | Djibouti |
Tingnan din
baguhinMga nota at sanggunian
baguhin- ↑ "Yemen's President Hadi declares new 'temporary capital'". Deutsche Welle. 2015-03-21. Nakuha noong 2015-03-21.
- ↑ Fahim, Karim; Bin Lazrq, Fathi (2015-04-10). "Yemen's Despair on Full Display in 'Ruined' City". New York Times Company. New York Times. Nakuha noong 2015-04-11.
- ↑ "Proxies and paranoia". The Economist. Economist Group. The Economist. 2015-07-25. Nakuha noong 2015-07-30.
Bibliograpiya
baguhin- Norris, H.T.; Penhey, F.W. (1955). "The Historical Development of Aden's defences". The Geographical Journal. CXXI part I.
Mga ugnay panlabas
baguhin- Gabay panlakbay sa Aden mula sa Wikivoyage
- Aden Free Zone Naka-arkibo 2012-02-29 sa Wayback Machine.
- ArchNet.org. "Aden". Cambridge, Massachusetts, USA: MIT School of Architecture and Planning. Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-07-02.